Friday, November 9, 2007

Kahapon, Ngayon at Bukas

Ika-11 ng Mayo taong 2001 nung una akong mapapadpad sa Maynila. Magisa ko lang tinawid ang dagat at mga isla sa pagitan ng aming probinsya at Maynila. Magakahalong kaba at tuwa ang naramdaman ko nung mga panahong iyon. Syempre, unang beses to na mamumuhay ako mag-isa at malayo sa pamilya.

Pag daong ng barko sa pier, isa ako sa mga huling bumama kasi wala pa ang sundo ko. Sundo. Pinsan ko siya pero kahit minsan, di ko pa siya nakikilala. Oo, as in first time namin magkita nung araw na un. Nung nagkita na kami, ayun, kwentuhan at tawanan. O di ba, close na kami. Nung unang gabi ko umiiyak ako. Oo no, di naman ako bato. Syempre magisa ko na lang sa malayong lugar at walang alam kung ano ang mangyayari sa akin.

Kinabukasan, registration ko sa UP. Excited ako dahil at last mapupuntahan ko na ang aking magiging pangalawang tirahan. Nalula ako sa laki ng UP. May sinehan, grocery, parlor, hotel, mga simbahan ng iba't ibang relihiyon, sandamakmak na gusali, malawak na kapatagan at squatter's area. Kaloka.

Nung bagong salta ako, di ako nagtatagalog. Oo na, conyotic na ako ika nga. Marunong ako managalog kasi nung 5 taong gulang pa lang ako ay tagalog ako pero naging bisaya na. Naisip ko dati baka mabugbog ako sa UP pag naging inglisero ako. Kung sa Ateneo kasi tanggap, eh sa UP kaya? Ewan. Pagkalipas ng isang buwan, ayun, kumportable na akong mag tagalog. Kaya OK na.

Pasukan na. Ginapang ko ang Math 17. Buti naman pumasa ako. Ang tayog pa ng pangarap ko dati, ang magtapos bilang cum laude at mag CS o US bawat semestre. Ambisyosa. Marami akong naging bagong kaibigan sa aking bagong mundong ginagalawan. Masyadong bago. Nabuksan ang aking mga mata dala ng iba't ibang karanasan ko sa UP. Binago ako ng UP

Natuto akong maging responsable at mamuhay ng walang inaasahan kundi ang sarili. Marami akong naging kaibigan. Epal ako eh, kaya naging blockhead, socio-cultural committee head at freshman batch representative. Bago pa lang, bibo kid na ang drama.

Sa Kalay, namulat ako sa maraming bagay. Nung una nagulat ako at nalito. Pero nung tumagal na, natanggap ko na rin. Sabi nga nila, kailangan mo munang tanggapin ang sarili mo bago ka matanggap ng iba.

Mataba ako nun. Nung nakita ko ang UP Pep Squad, nasabi ko sa sarili ko na gusto ko sumali pero wala akong alam at ang taba ko. Ilusyonanda talaga ako. Pero nagpapayat ako at nag train nung 2nd 2nd sem ko. Wala akong alam. As in WALA. Kahit split di ko kaya. Nagsikap ako, syempre nakakahiya sa mga kasama ko di ba?

Unti unting nagbago ang mundo ko. Sa araw, estudyante, sa gabi mananayaw. Mahirap pero kelangan kong gawin. Gusto ko eh. Masaya ako at mahal ko ang ginagawa ko. Di bale masaktan at mapagod basta magawa ko lang. Nakakapressure kasi ung iba kaong kasama magagaling na talaga.

Simple lang ang pangarap ko, ang makapagsayaw sa Araneta. Pinalad akong mapasama sa mga magsasayaw sa unang laro ng UP noong 2003. Inaapoy pa ako ng lagnat nun. Pero sabi ko kay Coach Lala, fight pa rin. Haller, nasa palad ko na ang pagtupad ng aking munting pangarap. Ang laki ng Araneta. Kitang kita ko ang libu-libong tao na nanonood. This is it. Katuparan na ng mga pangarap ko. Nung matapos kaming magsayaw, di man lang ako pinagpawisan kasi nga may sakit ako. Ang saya. Kumpleto na ako.

Next goal, magkaron ng Varsity jacket. Nakaka inggit kasi ung seniors, meron sila. Sa awa ng Diyos, may pera pa ang UP nun at isa ako sa huling batch ng mga atleta na nabiyayaan ng Varsity jacket. Masaya ako.

Ang rurok, UAAP Cheerdance competition. Ambisyosa talaga ako. Libre eh, bakit ba. 2 taon akong naghintay bago makapagsayaw sa paligsahan. Naisip ko na ngang tumigil pero di ko kaya. Parte na ng buhay ko ang Pep.

Parang droga ang Pep, nakakaadik.

Nabuhayan ako ng loob nung maraming kaibigan ko ang ngumarag saken na mag ayos. Salamat kay Coach Jon at Coach Lala dahil binigyan nila ako ng pagkakataon. 2005 ang una at huling cheering competition ko. Kasabay pa un ng thesis ko. Ngaragan. Pero kinaya ko. Gusto ko eh. Kailangan ko patunayan sa sarili ko na kaya ko.

Oct 2005. Sa wakas, natapos ko ang kursong BS Business Administration. O di ba, bongga. Wala ngang naniniwalang tiga BA ako eh. Akala nila CHK or Masscom. Baka dahil mukha akong di marunong magbilang ng pera at walang alam sa pagiging isang kapitalista. Wala kasi ako lagi sa BA. Pupunta lang ako kung may pasok, meeting at exam. Taong gym at dorm kasi ako.

Makalipas ang 2 taon, isa na akong ganap na miyembro ng labor force. Tanaw ko mula sa aking bintana ng opisina ko ang mga gusali, kotse, tao at ang view ng Quezon City. Ang gandang pagmasdan. Sino bang magaakala na balang araw magiging ganito ako?

Masaya ang magtrabaho kasi may pera ka at nabibili mo ang gusto mo. Pero nakakamiss din ang maging estudyante. Hahay, tao talaga, di makuntento. Nung nag aaral pa, gusto mag trabaho pero ngayon na may trabaho na gusto naman mag-aral. Labo.

Pero bakit ang tingin ng karamihan sa probinsya, porket nasa Maynila ka mayaman ka? Na pag nakapagtapos ka sa UP ay may magandang trabaho ka na may malaking sweldo? Di ba nila naiisip na mahal mamuhay sa Maynila? Na hindi madaling kumita ng pera?

Obligasyon ng magulang na ihanda ang mga anak nila na matutong mamuhay sa hinaharap. Ang mamuhay ng matiwasay at masaya. Sa hinaharap, obligasyon din ba ng anak ang magulang niya? Oo magiging sagot ng karamihan sa atin. Sa kulturang Pinoy kasi, bubuhayin ng magulang ang anak at pagdating nga panahon, anak naman ang bubuhay sa magulang.

Naalala ko lang ang natutunan ko nung nasa kolehiyo pa ako. Return of Investment or ROI in short. Parents invest in their children so that in the future, they will benefit from them. Kaloka. Parang naglagak ka lang ng pera sa negosyo at walang kasiguraduhan na lalago o malulugi ang puhunan mo.

Oo, may trabaho ako at kumikita ako. Pero di ibig sabihin nun ay mayaman at marami akong pera. Marunong lang akong mag budget kung ano man ang meron ako. Di ko pinipitas na animoy bulaklak sa hardin ang pera, pinaghihirapan ko.

Sabihin nyo nang masama akong anak o inggrata ako dahil hindi ako nakakapagbigay sa bahay. Opinyon nyo yan. Pero sana naiisip nyo rin na namumuhay akong magisa dito at may mga gastos din ako. Marami kayo jan, bat di ninyo magawan ng paraan? Sa pagkakaalala ko, lagi na lang ganyan ang sitwasyon. Laging may problema sa pera. Di na ba talaga kayo natuto sa nakaraan? Wala na nga ako jan, ganun pa rin ang nangyayari.

Oo, magastos ako. Alam ko un. Pera ko to at pinaghirapan ko to kaya may karapatan akong gastusin to sa paraan na sa tingin ko ay nararapat. Madamot ba? Sa tingin ko, hindi.

Paumanhin kung sa tingin ko ay pinagdadamutan ko kayo. Sana maisip ninyo na may sarili din akong buhay. Gusto ko lang matuto kayong gumawa ng paraan. Ang dami ninyo jan na kayang magisip ng paraan. Lahat tayo may kanya kanyang obligasyon at babayarin. Pare-pareho tayong naghihirap. May limang daan ako dito, para sa dalawang linggo na to. Gusto mo? Kamusta naman ang pagkain ng lupa at damong ligaw?

Ang dami kong iniisip. Kakalimutan ko na to. Bukas ay bagong araw. Panibagong hamon ng buhay. Isa pang pagkakataon para baguhin ang sarili.

Binago ako ng UP. Binago ako ng Maynila.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Blog Widget by LinkWithin